Nursing grads, 'di naka-exam nang maayos dahil sa nasaksihang sunog sa Tuguegarao


Nawalan na ng pananalig sa Diyos si Mang Armando sa pagkamatay ng kanyang anak na si Amybelle at asawa nitong si Norman Fondevilla kahapon.

"This is too much for me, hindi ko kaya," sabi niya.

Kaka-celebrate lang ng mag-asawa ng kanilang first wedding anniversary noong Disyembre 19— isang araw bago maganap ang trahedya. Buntis pa naman si Amybelle.

"Hindi maubos-ubos ang luha ko. Why? Because hindi ko matanggap, to be honest," dagdag niya. "Sa Christmas, December 25, pupunta kami dito, kaming lahat... Wala na... 'Di na mangyayari."

Nasawi rin sa sunog ang kapatid ni Norman na si Mildred de Leon, at ang dalawang anak nito.

Pansamantala namang ibinurol sa gymnasium ng University of La Salette sa Santiago City ang 4 na nasawing nursing board takers.

Bumuhos ang luha ng mga kamaganak at halos mahimatay sa pagsilay sa kabaong ng kanilang mga mahal sa buhay.

Huling araw na ng board exam kanina at ilan sa mga nakaligtas sa sunog ay kumuha pa rin ng exam.

Isa si Rona Grace Pablo sa mga suwerteng nakaligtas.

"Habang sinisira ko din po, natanggal ko iyong kurtina. Hinahablot iyong kurtina, hinahablot ko iyong mga bedsheet. Itatali ko sana iyong katawan naming dalawa, pero pagtingin ko po sa baba, mayroon siyang hagdanan," sabi ni Pablo.

Sugatan si Rona, na nanghiram lang ng damit para makakuha ng board exam.

Nahirapan siya sa pagsagot sa exam dahil naalala niya ang mga kaibigang nagmamakaawa sa paghingi ng tulong.

"Karamihan sa questions, 'fire,' 'burn'... Iyong nakikita mo iyong kasamahan mo iyong katawan nasusunog na. Ang hirap po," dagdag niya.

Pagkatapos ng board exam, isang misa ang inialay ng mga estudyante para sa kanilang nasawing mga ka-eskuwela.

Aminado ang mga nakaligtas sa sunog na kumuha pa rin ng board exam na hindi nila sigurado kung makakapasa sila, dahil sa bawat sagot sa eksaminasyon ay bumabalik ang masasamang alaala ng malagim na trahedya. Gretchen Malalad, Patrol ng Pilipino, Tugegarao City

No comments:

Post a Comment