Pelikulang “Father Jejemon” ni Dolphy, kinondena sa umano'y pambabastos

Kahapon, kumalat ang forwarded text messages na nanawagang i-boycott ang film fest entry ni Dolphy Quizon na "Father Jejemon."

Walang galang umano nitong ini-spoof ang holy communion sa 2 eksena kung saan nalaglag ang Holy Eucharist sa dibdib ng isang nangungumunyon at sa pustiso ng senior citizen.

Marapat lang daw na kondenahin ang paglapastangan ng Comedy King sa King of Kings.

Hinarap naman agad ni Dolphy ang isyu. Humingi sya ng paumanhin.

Inihayag din niyang boluntaryo nang tatanggalin ng RVQ Productions ang mga kontrobersyal na eksena.

"Ako ay patawarin nila kung inaakala nila ay mali iyon... I meant to do good, pero kung masama (at) ayaw nila, aalisin ko... Walang problema iyon. Sabi ko nga eh, ako pa na saradong Katoliko para awayin ang Diyos," sabi niya.

Nasaktan lang si Dolphy sa panawagang i-boykot ang pelikula.

"Maawa naman kayo sa kin, susmaryosep. Malaki naman ang ginastos namin para i-boycott niyo... Panoorin niyo ang pelikula, puro maka-Diyos ang sinasabi ko doon. Puro sa kapakanan ng tao," sabi pa niya.

"Huling pelikula ko na yata 'to, 'kako eh magiging ganoon pa. Sabi ko, 'Alisin na natin para malinis na malinis na ang pelikula," dagdag niya.

Ayon sa media relations officer ng CBCP na si Peachy Yamsuan, nakarating na rin sa kanila ang isyu pero wala pa raw opisyal na pahayag ang CBCP.

Ikinatutuwa naman nila ang pag-aksyon ni MTRCB Chair Grace Poe Llamanzares na inutos ang pag-review ng pelikula.

Huminga na rin ng dispensa kay Llamanzares si Dolphy.

"Nahiya nga ako kay Grace. Nag-review ulit sila. Sabi ko, 'Alisin na lahat nang aalisin diyan, huwag niyo namang kalbuhin,' sabi ng komedyante.

Ikinalungkot lang ni Zsa Zsa Padilla na tumatayo ring producer ng pelikula ang paninira sa text.

Gayunman, papamahalaan niya ang pag-edit muli ng “Father Jejemon” para makaabot ito sa premiere sa Miyerkules. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino

No comments:

Post a Comment